Muling nagpakitang-gilas ang Calamba Integrated School sa larangan ng Special Needs Education (SNED) matapos masungkit ni Lorenz L. Gregorio ang silver medal sa SNED Braille Reading Interpretation (Proficient) sa 2025 Regional Festival of Talents na ginaganap sa SDO Cavite Province mula Pebrero 24-28, 2025.
 
Sa kabila ng mahigpit na kumpetisyon, pinatunayan ni Gregorio ang kanyang husay sa pagbasa at interpretasyon gamit ang Braille, na nagbigay sa kanya ng karangalang With High Honors. Ang kanyang tagumpay ay nag-ugat sa masigasig na pagsasanay sa ilalim ng paggabay ng kanyang mga coach na sina Irene Lourdes Bernadette D. Medrano at Reymart Encarnacion, kasama ang buong suporta ng kanilang Principal na si William B. Bartolome ng Calamba Integrated School.
 
Buong pagmamalaking binigyang-diin ng kanyang mga tagapagsanay na ang pagsusumikap at determinasyon ni Gregorio ay nagsilbing inspirasyon hindi lamang sa kanyang paaralan kundi pati na rin sa iba pang mag-aaral na may espesyal na pangangailangan.
 
“Ang tagumpay na ito ay hindi lamang nagdadala ng karangalan sa paaralan kundi nagpapalakas din ng adbokasiya para sa mas inklusibong edukasyon sa mga mag-aaral na may espesyal na pangangailangan,” ani Bartolome.