“Sa mabuting gawa at hindi lamang sa salita ang tunay na diwa ng kabayanihan”. Ito ang kaisipang itinataguyod ng BUHAYANI Festival ng Lungsod ng Calamba.
Matagumpay na naipagdiwang ng Lungsod ng Calamba ang 3rd BUHAYANI Festival. Ang isang linggong selebrasyon na nagsisimula kaalinsabay ng pagdiriwang ng Kalayaan, Hunyo 12 at natatapos sa petsa ng kaarawan ng “Pinakdakilang Bayani ng Malayo” – Dr. Jose Rizal, Hunyo 19. Tampok dito ang iba’t-ibang programa at kompetisyon tulad ng Buhayni Football Festival, Buhayani Medical and Dental Mission, Saranggolahan ni Pepe, Larong Pinoy, Buhayani Short Film Festival, Tunog Bayani Drum and Lyre Competition, Calambike Fest, Buhayani Amateur Boxing Tournament, Gabi ng Kultura, Gawad Buhayani at Buhayani Grand Parade.
Bilang pangunahing tagapagtaguyod ng diwang Makabansa, ang buong puwersa ng DepEd Calamba City ay nakiisa sa makasaysayang okasyong ito sa pamumuno ng Tagapamanihalang ng mga Paaralan – Dr. Eugenia R. Gorgon. Nagsagawa ng pag-aalay ng bulaklak sa lahat ng bantayog ni Jose Rizal sa mga paaralan. Pinangunahan din ni Dr. Gorgon ang mga Punongguro, Dalub-guro, at Kawani ng Dibisyon upang saksihan ang isinagawang pag-aalay ng bulaklak ng Lokal na Pamahalaan sa Bahay ni Rizal. Ilan sa maraming dumalo ay sina Mayor Justin Marc SB. Chipeco, Vice Mayor Ross Rizal, Congressman Joaquin Chipeco, Gov. Ramil Hernandez, mga bagong halal na konsehal ng Calamba at bokal ng ikalawang distrito ng Laguna.
Tunay ngang hindi lamang sa larangan ng akademiko mahusay ang Kabataang Calambeño kundi maging sa larangan ng performing arts. Anim mula sa 16 na kalahok ng Street Dance Competition ay pampublikong paaralan. Ito ay Makiling National High School, Camp Vicente Lim National High School, E. Barretto National High School, Bayside National High School SPA, Lecheria National High School, Mangumit Elementary School at Jose Rizal Memorial School. Sa ikatlong pagkakataon, ang Bayside National High School Special Program for the Arts ay itinanghal na Grand Champion sa Street Dancing Group. Samantala, kampiyon din sa Drum and Lyre Competetion ang Jose Rizal Memorial School.
Naging tampok din ang Symbolic Float ng DepEd Calamba City na may temang “Sa Kahalagahan ng Edukasyon”. Itinatanghal nito ang kahalagahan ng K to 12 para matamo ang kompetitibo at mataas na kalidad ng edukasyon sa kasalukuyan at sa hinaharap.
Hindi alintana ang matinding sikat ng araw at pagdaka’y malakas na bugso ng ulan, masayang nakilahok sa Buhaynhi Grand Parade ang humigit sa 1,700 bilang ng mga guro, punong-guro, at kawani ng DepEd Calamba City kaya naman nakamit nito ang parangal bilang Biggest Human Delegations in Rizal Costume.
Sa ibabaw ng mga tagumpay at parangal na nakamit, minsan pang napatunayan na dito sa DepEd-Calamba City, tunay ngang buhay na buhay ang diwa ng pagkakaisa at pagtutulungan para maiangat ang husay at galing ng Kabataang Calambeño.